Insomnia

Sunday, August 2nd, 2009

This was published in volume 1 of Supismo (The Spark’s first literary folio) on March 2008

Craig David - Insomnia
<—click here

Gabi…
Alas onse y medya…
Ilang tiktik pa’y lalamunin na
ang tangkay ng kahapon,
ng isang buong maghapon,
patungo sa iisang itinadhana
kung saan sinuma’y walang nakatatalos
sa unti-unti nitong pagkawaglit.

Maliban sa akin
na ngayo’y nakatanghod pa
doon sa sulok ng ’sang magulong kwarto.
Kasama ang sigarilyo’t mga upos nito
na kinalauna’y naging mga abo,
at ang nagkalat na papel at libro
na ang nilalama’y pilit kong ’sinasaulo
kahit isinusuka ng aking ulo
‘pagkat bukas na
ang aming halimaw na preliminaryo!
[Tsk! Tsk! Tsk!]

Sa matuling paglayo ng mahabang sandali,
ang paligid nagmistulang libingang…
hitik!
sa mga hilik
ng mga buhay
na anaki’y mga bangkay
sa pagkakahimbing sa kanilang himlayan
habang sila’y idinuduyan
ng malambot na kamay ng unan
at ng kumot na katalik
ng kanilang katawan.

Sa kabilang dako,
ako,
sa senaryong ito,
hayu’t mulat pa ang mata
[dilat na dilat!]
at gising pa ang isipan.
Wari’y hindi pa iginugupo ng antok
kahit sa kama’y ibig nang bumalantok.

Muli’t muli pa’y kumaway ang mga oras.
Sa puntong ito,
higit na bumilis
ang pag-ikid ng tatlong sibat
patugpa sa daang dadalisdis
sa dakong silangan
habang pagal kong katawa’y
tuluyan nang humalik sa higaan.
Doo’y bibiling-biling,
minsan pa’y napaiiling.
Hanggang…

sa wakas!
Dinalaw din ng antok—
humikab,
umunat,
tumagilid.
Mata’y nayakag nang ipinid
samantalang isip,
atat ng manulay sa panaginip.
Lilisanan na ‘ko ng malay
nang biglang—
TIT!-TIT!-TIT!

Ha?!
Tumunog ang alarma
sa tapat ng aking tenga!
Grrrr!!!
Nagngingitngit…
Nilisa ko ang paligid:
baha na ang liwanag—
umaga na pala???

[Lintik na buhay ‘to!
Kung kelan ka inantok,
saka naman kelangang ng pumasok!!!]

Posted by michaelalegre at 5:58 pm | permalink

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment








BANGAG ANG PANULAT...

Inanod ang kawing-kawing na imahinasyong nagpapahibang sa kumplikadong utak na walang malay!

Wanted!!!

 

  MICHAEL C. ALEGRE

Isang prokrastinador na na-divirginized ng liwanag sa Butuan City, Agusan Del Norte noong ika-17 ng Abril 1990...

Sumampa siya ng barko no'ng 5- o 7-month old ('di alam kung ano'ng eksakto, basta may month, anang nanay niya) at umabot hanggang kalahatian ng grade one sa Novaliches, Quezon City...

Dinugtungan ang grade one, binulutong, nagpatuli, nanghipon, namingwit, hinagupit ng baha, nagyosi, tumoma, nag-doobie-doobie-doo; lahat na, sa Real, Quezon...

Dumayo at two-timer na naging bangag sa mga slaughter house ng Luisiana, Laguna...

At ngayon; e, ma-ulol-ulol na pinagtatalik ang pag-aaral ng lipunan at inhenyeriya sa may paanan ng misteryong bundok sa bandang Timog Katagalugan ng Pilipinas...

ANONG KASUNOD???

'DI KO PA ALAM...
DAGDAGAN MO KUNG MAHILIG KA RING MAGPINTA (SA UTAK!).

 

neXus

...connExion

Seditious Passage

mga testigo sa panggagago

Facebook

Twitter

Multiply

(BAYO)LENTE

Palautatan (Estadistika)

    

     

August 2009
M T W T F S S
« Jul   Oct »
 12
3456789
10111213141516
17181920212223
24252627282930
31  

Book Shelf

May Traffic sa Lucban!

Subscribe

Technorati
Bloglines